Advertisers
ISINIWALAT ng Philippine National Police (PNP) na may natanggap silang impormasyon na ang nag-viral na dating pulis na si Wilfredo Gonzales na nanghampas at kinasahan ng baril ang isang siklista ay nagsisilbing bodyguard o VIP security.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni PNP spokesperson Colonel Jean Fajardo na hinihintay pa nila ang report mula sa Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA) hinggil dito.
Aniya, kasalukuyang inaalam ng ahensya kung bago ang nangyaring insidente ay nagbibigay ng seguridad si Gonzales sa isang indibidwal.
Iginiit naman ni Fajardo na walang katotohanan ang mga akusasyon ng mga netizen na nililinis ng ilang opisyal ng Philippine National Police (PNP) si Gonzales.
Kasunod na rin ito ng napaulat na pinilit ng mga pulis ang siklista na pumirma sa isang agreement at pinagbayad pa ng P500 ni Gonzales dahil sa nagasgasan umano nitong sasakyan.
Sinabi ni Fajardo na personal niyang nakausap si QCPD Director, BGen. Nicolas Torre III, at mismong ang heneral pa aniya ang nakipag-ugnayan kay Atty. Raymnd Fortun para linawin ang alegasyon na binigyan nila ng special treatment ang retiradong pulis. (Gilbert Perdez)