Advertisers
KAPWA naghain ng resolusyon sina Senadora Pia Cayetano at Senate President Juan Miguel Zubiri upang imbestigahan sa Senado ang viral road rage incident na nangyari kamakailan sa Quezon City, sangkot ang isang dating police officer at isang siklista.
Sa inihaing Senate Resolution 763, inihayag ng dalawang senador na ang insidente ay may kinalaman sa paniniguro ng kaayusan at kaligtasan ng publiko, kung kaya’t hindi ito pwedeng basta aregluhin lamang, o ipagsawalang-bahala ng mga awtoridad.
Iginiit din ng dalawang senador na may kinalaman ang road rage sa konsepto ng ‘road sharing,’ na kadalasan ay ‘di sineseryoso ng mga motorista.
Sa ilalim ng naturang konsepto, lahat anila ay may patas na karapatang gumamit ng mga pampublikong kalsada – kabilang ang mga pedestrian, commuters, siklista, motorcycle riders, at mga nagmamaneho ng four-wheeled vehicles.
Binanggit din nina Cayetano at Zubiri na tungkuling itaguyod ng bansa ang Sustainable Development Goal 11, o ang Sustainable Cities and Communities.
Sa ilalim nito ay dapat siguruhin ng pamahalaan ang kaligtasan, inklu-syon, at pag-unlad ng bawat miyembro ng lipunan.
Pagtatapos ng resolusyon: “It is vital that we protect our cyclists traversing in traffic through the provision of physical barriers to ensure their safety, which is encapsulated in Senate Bill No. 1290, entitled the Walkable and Bikeable Communities Act.”
Isang siklista at abogada si Cayetano, ang principal author at sponsor ng Senate Bill No. 1290.
Ipinasa na ito ng Senado noong isang taon, ngunit naghihintay pa ng katulad na aksyon mula sa Kamara. (Mylene Alfonso)