Advertisers
TINATAYANG nasa P519 milyon halaga ng bigas at mga “palay” ang nadiskubre ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa sorpresang inspeksyon sa ilang bodega sa Bulacan nitong Agosto 30, 2023.
Bunsod ng kautusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na paigtingin ang operasyon laban sa rice smuggling, nagsagawa ng inspeksyon sa apat na bodega na matatagpuan sa Wakas, Bocaue at San Juan, Balagtas, Bulacan, kungsaan natagpuan ng BOC Inspection Team ang 154,000 sako ng imported na butil ng bigas at 60,000 sako ng “palay”.
Ang 154,000 sako ng imported na bigas ay nagmula sa Vietnam at Pakistan at may tinatayang halaga na P431 milyon, habang ang 60,000 sako ng palay ay nagkakahalaga ng P88 milyon.
Kasama ng BOC sa isinagawang inspeksyon sina House Speaker Martin Romualdez at Congressman Erwin Tulfo, Wilfrido Mark Enverga, at Ambrosio Cruz Jr.
Nilagdaan ni Commissioner Rubio ang Letters of Authority (LOAs) na nag-uutos sa pag-inspeksyon sa mga bodega ng Bulacan, na dumating isang linggo matapos ang inspeksyon sa isa pang batch ng mga bodega ng Bulacan na sinaksihan din ng House Speaker at mga mambabatas.