Advertisers

Advertisers

Panibagong road rage: Pulis vs ‘AFP intel’

0 156

Advertisers

INIIMBESTIGAHAN na ng Southern Police District (SPD) ang panibagong viral road rage video na muling kinasangkutan ng isang pulis at motorcycle rider sa Barangay Pio Del Pilar, Makati City noong Biyernes (Agosto 25).

Kinilala ni SPD Director, Brig. General Roderick Mariano, ang sangkot sa panibagong insidente ng road rage na si PSSg Marsan Dolipas, nakatalaga sa Pasay City Police Substation 4; at ang motorcycle rider na kinilalang si Angelito Rencio, na nagpakilalang miyembro ng Intelligence Service ng Armed Forces of the Philippines (ISAFP).

Base sa isinagawang imbestigasyon, sinabi ni Dolipas na nangyari ang insidente Biyernes ng umaga habang siya ay papasok sa kanyang trabaho lulan ng kanyang minamanehong sasakyan sa kahabaan ng Osmena Highway at A. Arnaiz Avenue, Makati City.



Sinabi ni Dolipas na muntik na niyang mahagip ang minamanehong motorsiklo ni Rencio, at kanyang sinabihan ang huli na mag-ingat sa pagmamaneho.

Sa kabila ng kanyang paalala, namura pa diumano si Dolipas ni Rencio bago inarangkada ng mabilis ang kanyang motorsiklo.

Muling inabutan ni Dolipas si Rencio nang mapahinto ng traffic light sa kanto ng Osmena Highway at A. Arnaiz Avenue at muling sinabihan ng pulis ang rider na sumenyas sa kanya ng ‘dirty finger’ sabay pakita ng kanyang nakasukbit na baril sa kanyang tagiliran.

Sa pagkakataong ito hindi na pinalampas ni Dolipas ang pambabastos na ginawa sa kanya ni Rencio na agad na bumaba ng kanyang sasakyan at nagpakilalang pulis bago niya hawakan ang baril ng rider para sa kanyang seguridad, na siya namang nakuhanan ng video ng mga motorista na nag-viral sa social media.

Makaraan ang insidente, humingi si Dolipas ng assistance sa Makati City Police Substation 3 kungsaan isinurender ni Dolipas ang baril ni Rencio at nagpatuloy ang imbestigasyon sa pangyayari.



Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, kinuwestyon ng SPD ang pagpapauwi kay Rencio upang kunin ang mga dokumento ng kanyang dalang baril na kinalaunan napag-alaman na hindi sa kanya nakarehistro ito at pag-aari ng ibang tao.

Sa lapses na nagawa ng mga tauhan ng Substation 3, sinibak ng SPD sa pwesto ang station commander ng istasyon at desk officer na nagpauwi kay Rencio, habang sasampahan naman ng kaukulang kaso ang motorcycle rider na si Rencio pati na si Dolipas.

Kinansela narin ng Land Transportation Office ang driver’s license nina Dolipas at Rencio.