Advertisers
NAGPAHAYAG ng kumpiyansa ang isang “think tank” na hindi madadala si Ombudsman Samuel Martires sa petisyon ng isang grupo ng mga negosyante matapos ipanawagan ang pagbaliktad sa ‘dismissal order’ laban kay Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Cesar Chiong.
Ginawa ni Infrawatch PH convenor Atty. Terry Ridon ang pahayag matapos umakyat sa Court of Appeals (CA) ang kampo ni Chiong para kuwestiyunin ang hatol ng Office of the Ombudsman sa kanyang kaso.
Binigyang diin ni Ridon na maraming beses nang napatunayan ni Martires ang pagiging patas niya sa kanyang mga nakaraang desisyon, kabilang ang laptop anomaly sa Department of Education (DepEd) at Pharmally issue.
Kasunod narin ito ng paglagda ng siyam na grupo ng mga negosyante sa isang resolusyon na humihimok kay Martires na baliktarin ang hatol sa kaso ni Chiong kungsaan sinibak ito sa puwesto at isa pang opisyal nang mapatunayang ‘guilty’ sa kasong ‘grave misconduct’ at ‘abuse of authority’.
Aniya, kahit pa idinepensa ng business groups si Chiong ay hindi madadala sa pang-uudyok ng mga ito si Martires para baguhin ang hatol.
Punto ni Ridon, may remedyo naman si Chiong tulad na lamang ng pagsasampa ng motion for reconsideration at kapag nabigo ay maaari pang umakyat sa CA hanggang sa Supreme Court (SC).
Bagama’t naglatag ng testimonya ang grupo hinggil sa karakter at reputasyon ni Chiong, iginiit ni Ridon na ebidensya ang pinagbatayan ng Ombudsman sa kaso ng dating MIAA head.
Bukod kay Chiong, una nang nagpakita ng suporta ang business groups sa pamamagitan ng isang joint statement kay MIAA acting assistant general manager for finance and administration Irene Montalbo na kasama rin sa kaso.
Ngunit ipinaliwanag ni Ridon na ang ‘facts’ parin ng kaso ang pinakamahalaga kumpara sa statement ng mga maimpluwensiyang grupo.
Dagdag pa ni Ridon, malaki ang paniniwala niya na kahit matagal nang nagtatrabaho sa gobyerno si Chiong at nagsilbi narin ito sa business sector sa matagal na panahon ay itrinato parin ni Martires ang kaso nito bilang isang high-level case gaya ng mga hinahawakan niyang malalaking kaso at ang naging hatol ng anti-graft body ay ibinatay sa batas at bigat ng ebidensya.
Sa unang taon ni Martires sa Ombudsman sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay pinatunayan niya ang kanyang pagiging ‘independent’ makaraang i-atas ang kasong ‘usurpation of authority’ laban sa yumaong dating Pres. Benigno “Noynoy” Aquino III sa Sandiganbayan.
Maaalalang si dating Ombudsman Conchita Morales ang naghain ng kaso laban kay Aquino kasunod ng malagim na “Oplan Exodus” sa Mamasapano, Maguindanao na ikinasawi ng 44 kasapi ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) noong February 4, 2015. (Gilbert Perdez)