Advertisers
UNTI-UNTI na umanong nababawasan at lumuluwag ang ‘siksikan’ na kalagayan ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) mula sa New Bilibid Prison dahil halos 1,000 sa kanila ang inilipat sa prison and penal farms dulot na rin ng reform program ng Bureau of Corrections.
Sinabi ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr., inilipat nila ang 997 PDL sa Iwahig Prison and Penal Farm sa Palawan ( 497) at Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro (500) kabilang dito ang lahat ng chinese drug lords.
Noong nakalipas na buwan ay binaklas ng BuCor ang 2,812 makeshift rooms o “kubols” sa NBP.
Ayon kay Catapang , tinanggal nila ang mga dingding upang makita ang mga ginagawa ng mga preso at umaasa na malalagyan na rin ng CCTV upang makita rin sila kahit na nasa loob ng cubicles.
“So, ang ginawa namin, tinanggal namin lahat ng pader para makita namin. At saka, sana, maglagay kami ng mga security camera para makita namin kung ano ang ginagawa nila.” ani Catapang sa isang panayam sa telebisyon.
Dadag pa nito na ang pagkakatanggal ng mga kubol ay nababantayan na ang mga PDL at hindi na sila makapagsagawa ng mga ilegal na aktibidad,gayundin, malaki ang maitutulong nito sa kaligtasan at seguridad ng mga preso.
Samantala, sinabi ni Catapang na sasama rin ang BuCor sa Department of Agriculture (DA) sa paglalagay ng Kadiwa center o trading post sa NBP, na tatawagin nilang “Pambansang Bentahan.”
Aniya, maglalagay sila ng office na training area para sa retailer na gustong bumili ng mas murang wholesale price at ang 300 hectares ng BuCor na magiging available sa 2028 para magamit sa pangkomersyo.
Nauna nang sinabi ng Director General na nais niyang gawing “Global City ang punong tanggapan ng BuCor sa Muntinlupa City. (JOJO SADIWA)