Advertisers
INARESTO ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dating bise alkalde ng Valenzuela City nang ireklamo ng isang negosyanteng banyaga na namuhunan ng milyon-milyong piso para sa umano’y airport project.
Kinilala ang inaresto na si Evelyn Miranda Hernandez, dating bise alkalde ng Valenzuela City, 58 anyos, ng Consolacion St., Malina, Valenzuela City.
Ang nagreklamo ay kinilalang si George Gorgiui, British national, na nag-invest para sa Bulacan airport project.
Sa ulat, inaresto si Hernandez sa bisa ng bench warrant of arrest sa 2 counts ng paglabag sa Batas Pambansa (BP 22) o anti-bouncing check law.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Wilson Villaruel, 10:30 ng umaga nang maaresto ng mga tauhan ng Warrant Section ng MPD-Station 4 si Hernandez sa loob ng Makati City Hall.
Sa report, nasa P7 milyon na umano ang naibibigay ni Gorgiui kay Hernandez simula 2022. Ang alok sa kaniya ni Hernandez, mabibigyan siya ng P50 milyon na kita sa kada P3.5 milyon na kaniyang i-invest, ngunit lumipas ang panahon walang naibibigay na kita sa kaniyang investment.
Sinabi ni NBI-AOTCD Chief, Atty. Jerome Bomediano, na hindi inakala sa una ng dayuhan na lolokohin siya ni Hernandez dahil sa dati itong bise alkalde.
Depensa ni Hernandez, mayroon naman umano talagang negosyo ngunit naantala lamang dahil sa pagkabinbin din ng proyekto ng paliparan. Nainip lamang aniya si Gorgiu na makuha ang kaniyang kita kaya siya ipinaaresto.
Ngunit ayon kay Bomediano, base sa kanilang imbestigasyon, walang lisensya si Hernandez at ang sinasabing construction company na tumanggap ng investment. Kaya payo niya sa mga aalukin ng investments, suriin muna ang ipinakikilalang kumpanya sa Securities and Exchange Commission kung lehitimo ito. Kung nagsagawa lamang aniya ang dayuhan ng research sa internet, makikita niya na may mga dati nang kaso si Hernandez.
Samantala, pinayagan namang magpyansa ito ng P13,000 sa bawat isang count ng kasong kinasasangkutan.