Advertisers
NAGPAABOT ng taos-pusong pakikiramay ang Malacañang sa mga naulila ni Atty. Maria Saniata Liwliwa Gonzales Alzate na tinambangan ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa Bangued, Abra noong Huwebes.
Sa statement ng tanggapan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, sinabi nitong kaisa ang Office of the President ng legal community sa pagkondena sa pagpatay kay Alzate.
Ayon kay Bersamin, si Alzate ay walang kapagurang ginagampanan ang trabaho kapwa bilang public interest lawyer at commissioner ng bar discipline.
Aniya, ang pagkamatay ni Alzate ay hindi lamang maituturing na trahedya para sa lalawigan ng Abra kundi maging sa legal profession.
Sinabi ni Bersamin na magdodoble-kayod ang mga law enforcement agencies upang mabigyan ng hustisya ang sinapit ng abogado.
Kasabay nito, nanawagan din ang palasyo sa mamamayan na manatiling vigilant o mapagmatyag habang nagpapatuloy ang hot pursuit operations laban sa mga salarin. (Gilbert Perdez)