Advertisers
Tatlong mangingisda ang nasagip ng Philippine Navy (PN) nang lumubog ang kanilang bangka sa karagatang sakop ng Cavite City.
Kinilala ang mga nasagip na sina Jhunie Almine, 29, Jordan Mendoza, 20, at John Eric Diaz, 20, pawang taga-Ligtong IV, Rosario, Cavite.
Sa social media post ng Naval Forces Southern Luzon (Navforsol), nagpapatrolya ang BRP Federico Martir sa naturang lugar nang makatanggap ng impormasyon kaugnay ng insidente nitong Setyembre 16.
Kaagad na nagsagawa ng search and rescue operation ang mga ito sa kabila ng masamang panahon.
Natagpuan ng mga rescuer ang tatlong mangingisdang nagpalutang-lutang sa pinaglubugan ng bangka.
Sa pahayag ng mga mangingisda, sinalubong sila ng buhawi na nagresulta sa pagtaob ng kanilang bangka.
Nasa maayos na kalagayan ngayon ang tatlong mangingisda, ayon pa sa PN. (Jocelyn Domenden)