Advertisers
MANDATORY na sa mga mobile user na kumuha ng live selfies bago maaprubahan ang kanilang aplikasyon para sa pagpaparehistro ng SIM card.
Ito ang ibinunyag ng National Telecommunications Commission (NTC) at Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pagdinig ng Senate finance subcommittee sa panukalang pondo na P8.7 billion ng DICT para sa susunod na taon.
Sinabi ni NTC Commissioner Ella Blanca Lopez sa mga senador na naglabas na ng memorandum order (MO) ang kanyang tanggapan na nangangailangan ng live selfie photo kapag nagparehistro ng SIM card.
“We issued an MO yesterday, so it’s effective immediately…” wika ni Lopez.
“They (telecommunications companies) will install technologies that will ensure na wala na pong monkey po na makaka-register katulad po ng live selfies. We require live selfies,” pahayag ni Lopez.
Base sa memo, hindi na papayagan pa ang stock photos bilang requirement sa pagpapatala ng SIM card.
“Hindi na rin po i-allow yung stock photos as selfie,” dagdag pa ng NTC chief.
Sinimulan na rin ng ahensya ang flagging system kung saan dapat na i-report ng telcos ang mga indibidwal na nagpapatala ng mahigit 5 SIM card at mga negosyo o juridical entities na nagpaparehistro ng mahigit 100 SIM.
Ang mga mobile user na hindi tutugma ang mga impormasyon sa identification document ay mahaharap sa posibleng immediate hearing o pansamantalang deactivation ng kanilang account.
Dagdag pa ni Lopez, may hanggang Disyembre 18 ngayong taon ang Telcos para i-install ang teknolohiyang kailangan para sa live selfie. (Mylene Alfonso)