Advertisers
Sumisigaw ng katarungan ang kamag-anak at pamilya habang pinaglalamayan na sa ngayon ang isang empleyado ng Local Government Unit o LGU San Isidro matapos itong barilin habang nasa bungad ng hospital sa Barangay Ipil, Echague, Isabela.
Kinilala ang biktima na si Kendrick Pera, 29 anyos, may-asawa, residente ng Brgy. Camarag, San Isidro, Isabela.
Habang nasa entrance area ng Southern Isabela Specialist Hospital ang biktima ay bigla na lamang nilapitan at binaril ng hindi pa matukoy na suspek.
Nakasuot ng kulay itim na T-shirt ang suspek at may dalang kulay itim na slingbag.
Agad na nadala sa Emergency Room sa nasabi rin hospital ang biktima subalit idineklara rin itong Dead on Arrival (DOA).
Matapos ang pamamaril sa biktima, agad na umangkas sa kulay itim na Wave motorcycle ang suspek kasama ang drayber na nakasuot din ng kulay itim na damit at sila’y tumakas patungong north direction.
Hanggang sa ngayon, nagsasagawa ng manhunt operation at naka-flash alarm ang Echague Police Station sa pamumuno ni PMaj. Rogelio Natividad sa mga kalapit na himpilan ng pulisya para sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakadakip ng mga suspek.
Kasalukuyan rin ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya kung ano ang motibo sa pamamaril sa biktima.(Rey Velasco)