Advertisers
Naha-hotseat ngayon ang Public Attorney’s Office matapos na bumaligtad at pabulaanan ng 2 aktibista ang mga affidavit na pinirmahan umano nila na nagpapahiwatig na aalis na sila sa kilusang komunista.
Matatandaang ipinahayag ng mga environmentalist na sina Jhed Reiyana Tamano at Jonila Castro sa press conference na inorganisa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na sila ay dinukot at pinagbantaan ng mga sundalo, taliwas ito sa mga ulat na boluntaryo silang sumuko.
Sinabi ni Tamano, isang coordinator ng Ecumenical Bishops Forum, na dinakip sila ni Castro habang naglalakad sa kalsada noong Setyembre 2.
Sa isang panayam, iginiit ni PAO chief Persida Acosta na ang 2 aktibista ay nauna nang sumulat ng kanilang mga affidavit bago pa sila kapanayamin ng isang PAO lawyer mula sa Norzagaray.
“Eh may sulat kamay sila, paanong tatakutin ng PAO? Inabutan lang sila. Nagiging style bulok na ng ibang nag-a-affidavit na pag-gustong mag-recant ay ituturo si PAO, kawawa naman ‘yung mga PAO natin,” ani Acosta.
Aniya, kinapanayam ng PAO lawyer ang dalawa sa isang closed-door meeting para i-verify ang nilalaman ng kanilang mga affidavit.
“Tiniyak ng PAO na ‘yung laman nitong sulay kamay ay ‘yung nasa puso nila. Nag-interview siya, ipinaulit-ulit niya yung mga sinasabi ng dalawa. Ang pakiramdam namin, itong dalawa ay may kinakatakutan na may gumanti sa kanila kaya nag-recant,” aniya pa.
Binanggit niya na mula noong 2001, may kabuuang 3,733 na dating miyembro ng CPP-NPA-NDF kasama ang kanilang mga kapamilya ang muling naisama sa lipunan sa pamamagitan ng Task Force Balik-Loob.