Advertisers

Advertisers

LUMUNOK NG DOLYAR SA AIRPORT, PINAKAKASUHAN NI DOTR SEC. BAUTISTA

0 27

Advertisers

Mahigpit ang kautusan ng Department of Transportation (DOTr) sa Office for Transportation Security (OTS) na pinamumunuan ni Usec Ma. O Aplasca na kaagad sampahan ng kaukulang kaso ang security screening personnel na hinihinalang lumunok umano ng $300 bills na sinasabing ninakaw nito mula sa bagahe ng isang dayuhang pasahero sa loob ng Terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Setyembre 8.

Sa isang pahayag nitong Huwebes, nagpahayag pa ng labis na lungkot at pagkadismaya si DOTr Secretary Jaime J. Bautista hinggil sa naturang insidente sa NAIA, na kanya pa naman aniyang ipinu-promote sa mga potensiyal na foreign investors na nais mag-operate at magmantine ng main gateway ng bansa.

Inatasan rin ni Bautista si Undersecretary for Legal Atty. Reinier Yebra na tumulong sa paghahain ng reklamo laban sa mga taong nagsabwatan sa pagnanakaw ng salapi mula sa handcarried bag ng isang Chinese passenger.



Pinahintulutan rin ng Kalihim ang pagpapataw ng pinakamataas na parusa o maximum penalty sa mga napatunayang nagkasala upang ipakita ang determinadong pagsusulong ng Kagawaran na malinis ang NAIA, gayundin ang iba pang attached agency nito, mula sa mga masamang elemento.

Nauna rito, matapos sumailalim sa baggage inspection ay nagreklamo ang Chinese na pasahero na bukas ang kanyang wallet at nawawalan siya ng US $300.

Nang rebyuhin ang CCTV, nakita ang isang 28-anyos na babaeng security screening officer (SSO) ng OTS na inabutan ng tubig ng isang kasamahan. Maya-maya pa ay makikitang may isinubo itong tila papel sa bibig na pinipilit niyang lunukin, gayung polisiya sa airport na bawal kumain ang mga empleyado habang naka-duty.

Sa isa pang kuha ng CCTV ay makikitang may hawak itong panyo na itinatakip niya sa kanyang bibig at nasa tabi niya ang lalaking supervisor na tila may sinasabi sa kanya. Nangyari ang paglunok bago ito kapkapan ng airport police.

Nabatid na pinatawan na ng preventive suspension ang naturang security screening personnel, gayundin ang kanyang supervisor at isa pang personnel, na maaaring sangkot sa naturang insidente.



Hindi ito ang unang pagkakataon na may naganap na nakawan sa pasahero sa ilalim ng pamumuno ni Aplasca.

Matatandaan na noong February 22 lamang ay limang personnel ng OTS na naka-assign sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 ang sinuspinde matapos lumutang ang dalawang video kung saan ang transiting Thai tourist na kinilalang si Kitja Thabthim ay nawalan ng 40,000 yen.

Ilang araw makalipas nito, isa pang screening officer ang nahuli din sa video matapos kunin ang relo ng isang Chinese passenger.

Nagreklamo ang pasaherong si Sun Yuhong na nawala ang kanyang relo matapos dumaan sa screenin ni Valeriano Ricaplaza Jr., 3 na dinakip ng Philippine National Police Aviation Security Group kalaunan. (JERRY S. TAN)