Advertisers
MAAARING maharap sa disqualification cases ang hindi bababa sa 66 na kandidato para sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) dahil sa umano’y premature campaigning, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Pahayag ni Comelec chairman George Garcia, may kabuuang 1,955 show cause order ang inilabas ng poll body sa mga kandidato ng BSKE noong Sabado.
Sa nasabing bilang, 228 na kandidato na ang tumugon. Mayroon ding daw 104 na reklamo ang ibinaba dahil wala silang factual basis, ani Garcia.
Paliwanag pa ni Garcia, iba-iba ang mga dahilan ng mga kaso ng disqualification, kung saan may mga kandidatong nagho-host ng raffle draws, habang ang iba ay nagpo-post ng mga campaign materials na kinabibilangan ng kanilang mga pangalan at posisyon na kanilang tinatakbuhan.
Gumagamit din ng social media ang ilang kandidato para mangampanya bago ang opisyal na campaign period na itinakda mula Oktubre 19 hanggang Oktubre 28.
Sinabi ni Garcia na nakatakdang magsampa ng pormal na disqualification cases ang Comelec sa darating na linggo.