Advertisers
MALAWAKANG manhunt ang inilunsad ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban sa pangunahing suspek sa P75 milyong kontrobersiya sa Philip- pine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Ito ay matapos makatakas ang suspek at ang kanyang apat na kakuntsaba sa pagsalakay na isinagawa ng CIDG sa Loac, Pangasinan kamakailan dahil sa iligal na pag-o-operate ng online sabong.
Kinilala ni PNP-CIDG Director, Major General Romeo Caramat, ang “primary suspect” na si Jewel Castro.
At ang apat pa niyang kakuntsaba ay kinilalang sina Ethan Eleazar, Norbert Escalante, Enrico San Miguel at Rebecca Ferolina na pawang nakatakas bago makubkob ng mga operatiba ng CIDG ang nasabing illegal na online sabong operation sa Loac.
Si Castro at ang kanyang mga kasapakat naman sa PAGCOR ay pakay din ng ‘top to bottom’’ na imbestigasyon na pinag-utos ni Chairman Alejandro Tengco kaugnay ng nawawalang P75 milyong halaga bilang ‘cash performance bond’ na isiniwalat ng isang negosyante at opisyal ng korporasyong naglagak ng nasabing bond sa PAGCOR para sa ligal na operasyon ng e-sabong noong 2022.
Ang raid na isinagawa ng CIDG ay kasabay ng paghahain ng kaso ng ‘graft’ sa Office of the Ombudsman ni Joaquin Sy laban sa dalawang kasalukuyang opisyal ng PAGCOR at anim na iba pa na mga dating opisyal ng ahensiya, kasama ang tatlong pribadong indibidwal kabilang na si Castro.
Si Sy na treasurer at chairman of the board ng Kamura Highlands Gaming and Holdings Inc. sa kanyang complaint, ay naglahad na April 04, 2022, personal niyang ibinayad sa opisina ng PAGCOR sa Malate, Manila, bilang kinatawan ng kanilang korporasyon, ang dalawang ‘manager’s checks’. Inisyuhan naman si Sy ng Official Receipts (OR) ng PAGCOR at iba pang dokumento sa paglalagak ng kanilang cash performance bond.
Sa ilalim ng mga patakaran ng PAGCOR, tanging korporasyon lamang ang maaaring mag-apply ng prankisa para makapag-operate ng e-sabong at makabawi ng cash performance bond.
Paglalahad pa ni Sy, nang ipag-utos ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na buwagin at ipagbawal ang lahat ng operasyon ng e-sabong sa bansa noong May 2022, nagsimula na siyang bawiin sa PAGCOR ang kanilang cash performance bond sa pamamagitan ng mga sulat, ngunit walang pumansin sa kanya.
Dagdag pa ni Sy, nang maka-usap niya si PAGCOR Assistant Vice President for Finance Lolita Gonzales, ipinaalam nito na ang P75 milyon tseke ng Land Bank ay naibigay na nila sa isang Jewel Castro noong mga panahon ng July 2022.
Sa isang press statement, sinabi ni PAGCOR Chairman Tengco na “we have launched an internal investigation and we are trying to re-create the sequence of events since the department allegedly involved, the E-Sabong Department, has already been disbanded.”
Pinahaging din ni Tengco na ang pag-release ng tseke sa isang indibiwal ay ‘di mangyayari kung walang mga kakuntsaba si Castro na mga opisyal ng PAGCOR.
“We will bring the perpetrators to justice if indeed there was any anomaly,” sabi pa ni Tengco.
Samantala, isang malapit kay Castro sa kanyang iligal na operasyon ng e-sabong, ang nagsabi na ang suspek ay naghayag na makikipagtulungan sa imbestigasyon ng PAGCOR sa takot nito sa kanyang buhay, dahil sa laki ng nawawalang P75 milyong performance cash bond at sa mga taong sangkot sa anomalya.
Si Castro ay itinuturing na susi upang mabuksan ang mga dahilan kung paano naibigay at naipangalan ng PAGCOR ang tseke para P75 milyong cash performance bond sa kanya.