Advertisers
MAKARAAN ang malalimang deliberasyon at negosasyon ng Kamara de Representantes, pinal nang inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang P5.768-trillion national budget para sa susunod na taon, ito’y matapos madaliin ng Kongreso bago pa sila mag-adjourn para sa mahigit isang buwang nilang bakasyon.
Dahil dito, labis ang pagpuri ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa napapanahong pagpasa ng 2024 General Appropriations Bill (GAB), kung saan inilarawan ito bilang pangako ng Kamara upang tuparin ang kanilang tungkulin bilang dedikasyon ng pagbibigay serbisyo sa mga Filipino.
Sa botong 296 laban sa 3 at zero abstentions, pinal na inaprubahan ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill (HB) No. 8980 o ang 2024 national budget.
Sa kanyang speech bago pa mag-adjourn ang sesyon, kanyang ipinunto ang commitment ng Kamara para sa kanilang constitutional duty upang busisiin at himayin ang national expenditure program ng gobyerno sa pinakamataas na lebel ng transparency at pagpupursige.
Binigyan-diin ni Romualdez, na ang budgeting process ay kanilang minarkahan sa pamamagitan ng malawakang diskusyon partikular na may kinalaman sa confidential at intelligence fund, kung saan ito umano ay mahigpit na dumaan sa butas ng karayom upang matiyak ang pananagutan at responsableng paggamit ng nasabing pondo.
Nauna rito, nagdesisyon ang liderato ng Kamara na ibaling o reallocate ang kontrobersyal na confidential at intelligence fund, kung saan orihinal na nakalaan para sa mga non-security departments, layunin nito na palakasin pa ang ginagawang pagbabantay sa pinagtatalunang isyu ukol sa West Philippine Sea.
Ang mga importanteng pondo ay kasalukuyang nakasuporta na at inilaan sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at sa National Security Council (NSC), kung saan ito ang mga responsableng organisasyon para sa intelligence activities at sa national security coordination.
Bilang karagdagan, ang 2024 budget para sa Philippine Coast Guard (PCG) at sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ay inaasahang madaragdagan para palakasin pa ang kanilang surveillance capabilities sa West Philippine Sea. (Henry Padilla)