Advertisers
PINAPURIHAN ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) si San Mateo Post Office Municipal paid Letter Carrier Ruben Gregorio matapos nitong ibalik ang wallet na naglalaman ng walong libong piso (8,000 pesos) at mga importanteng IDs na kanyang napulot habang naghahatid ng sulat sa kanyang nasasakupan sa may-ari na si Romeo I. Nabo, guro ng Dulong Bayan Elementary School sa San Mateo Rizal noong Setyembre 26, 2023.
Simula pa noong 2017, Si LC (Letter Carrier) Gregorio ay naghahatid na ng mga sulat, parsela at PhilIDs sa Brgy. Pintong Bukawe, Timberland at Maarat at sa mga liblib at bulubunduking lugar sa San Mateo, Rizal.
Ayon kay Juliet Dawila Otadoy – Acting Postmaster (PM) ng San Mateo Post Office, “agad na ibinalik ni LC Ruben ang wallet na naglalaman ng salapi at mga mahahalagang bagay sa Post Office.
Agad din nilang kinontak ang may-ari na si Mr. Nabo upang personal na magsadya sa Post Office”.
“Ipinagmamalaki namin ang aming kasamahan sa PHLPost sa kanyang kahusayan at katapatan sa serbisyo”, ani PM Otadoy.
Si LC Ruben ay ama ng apat na anak at asawa ng simpleng maybahay na si Cristy Gregorio.
“Napatunayan na mula noon hanggang ngayon ang kultura ng katapatan at simpleng pamumuhay ay nananatili sa post office at liblib na mga sangay sa buong bansa”, ayon kay Postmaster General (PMG) Luis Carlos.
Sa Post Office, masayang ipi-nost sa social media ng kanyang mga kapwa kasamahan sa trabaho ang mga katagang “your excellent performance and loyalty deserves a merit of appreciation…! We are so proud of you, Keep up the good work always, God bless you”.
“ Nawa ang simpleng tagumpay ng katapatan ng isang tulad ni LC Gregorio ay maging halimbawa rin sa iba,” ani PMG Carlos. (ANDI GARCIA)