Advertisers
HALOS 24 oras nang inaapula ng mga bumbero ang sunog sa isang bodega sa Valenzuela City.
Bago magtanghali nitong Biyernes, Setyembre 29, hindi parin nagdedeklara ng fire out ang Valenzuela City Fire Station sa storage ng Herco Trading.
Bunsod nito, nagrerelyebo na ang mga bumbero na napapahinga lang para uminom ng tubig at umidlip.
Nagsimulang magliyab ang nasabing storage sa G. Molina St., Barangay Bagbaguin nitong Huwebes, Setyembre 28, 12:30 ng hapon at itinaas sa ikalawang alarma 12:32 ng hapon; ikatlong alarma, 12:51 ng hapon; at ikaapat na alarma 1:06 ng hapon.
Patuloy na nasa Task Force Bravo ang sunog.
Humigit kumulang 200 nang pamilya ang inilikas mula sa paligid ng natupok na bodega at kahit na malakas ang usok na nakaimbak na mga hardware at kemikal dito mapalad na wala pang naitalang namatay.
Anim naman katao ang naitalang sugatan sa sunog.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), sa nasabing bilang, kabilang rito ang limang responders.
Tinatayang lagpas P50 milyon na ang pinsala at inaalam pa kung ano ang ugat ng sunog.