Advertisers

Advertisers

May-ari ng nasunog na warehouse sa QC kinasuhan na

0 11

Advertisers

MATAPOS ang halos isang buwang imbestigasyon, nagsampa ng kaso ang Quezon City Police District laban sa mga incorporator ng MGC Warehouse, Inc. sa Tandang Sora na nasunog at ikinasawi ng labing-lima (15) katao.

Nangyari ang kalunos-lunos na sunog 5:30 ng umaga ng Agosto 31, 2023 sa 68 Kenny Drive, Pleasant View, Brgy. Tandang Sora, Quezon City .

Ayon sa Quezon City government, isang espesyal na panel na binuo ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon at isang task force mula sa Quezon City Police District (QCPD) ang nagsagawa ng magkakahiwalay na imbestigasyon upang matukoy ang mga posibleng pagkulang sa insidente, at matiyak na mabibigyan ng hustisya ang mga biktima at kanilang mga pamilya.



Upang bigyang linaw ang insidente ng sunog, ang QCPD sa pamumuno ni Brigadier General Redrico Maranan ay nag-activate ng Special Investigation Task Group (SITG) “WAREHOUSE” para sa mabilis na pagresolba sa insidente.

Sa ulat ng QCPD, madaling araw ng Setyembre 19, tumuloy sa Occidental Mindoro si Major Don Don M Llapitan, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), kasama ang kanyang mga operatiba, upang hanapin ang mga pamilya ng mga mga biktima ng sunog. Tinulungan sila ng tanggapan ni Occidental Mindoro Gov. Eduardo Gadiano.

Tumuloy din ang QCPD team sa Sablayan, Occidental Mindoro at kinuha ang mga pahayag ng ilan sa mga miyembro ng pamilya ng mga biktima.

Sa resulta ng kanilang pagsisiyasat, isang kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide ang isinampa laban sa mga nakaligtas na incorporator ng MGC Warehouse, Inc. na sina Catherine Sy; Lina Cavilte; Johanna Cavilte; at Geoffrey Cavilte.

Malugod namang tinanggap ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pagsasampa ng kasong kriminal dahil sumasalamin ito sa desisyon ng pamahalaang lungsod na magbigay ng hustisya at magtatag ng pananagutan.



“Umaasa kami na sa pamamagitan ng pag-unlad na ito, mabigyan ng hustisya ang 15 indibidwal na nasawi sa hindi magandang pangyayaring iyon. Pinahahalagahan namin ang pagsisikap ng Quezon City Police District sa pagiging nakatuon sa pagsasabi ng katotohanan,” sabi ni Mayor Joy Belmonte.

Nauna nang nanawagan si Belmonte sa Bureau of Fire Protection (BFP) na magsagawa ng masusing imbestigasyon, gayundin ang magsagawa ng mga reporma sa Bureau of Fire Protection-Quezon City Fire District (BFP-QCFD).

Kasama sa mga nasawi ang may-ari ng warehouse na si Michael Cavilte, 44 anyos.

Nasawi rin sa sunog si Maria Micaela Ysabella Barbin, 23, at anak nitong babae na tatlong taon gulang lamang. (Boy Celario)