Advertisers
NASABAT ang P10.88 milyong halaga ng iligal na droga sa dalawang lalaking tulak sa ikinasa anti-drug operation ng Estancia Municipal Police Station sa Iloilo nitong Biyernes.
Inaresto ang isang alyas “Rene”, 43, residente ng Novaliches, Quezon City; at ang kanyang 22-anyos na kasabwat na naninirahan sa Barangay Gogo, ayon sa ulat ni Estancia Police chief, Lt. Renzo Martinez, noong Sabado.
Sinabi ni Martinez na ang operasyon sa Barangay Tacbuyan 6:10 ng umaga ay naunahan ang dapat sana’y paghahatid ng suplay na 38 sachet ng shabu at tumitimbang ng 1.6 kg., sa isang mamimili mula sa Iloilo City 8:00 ng umaga.
“Si alyas Rene ay taga-Barangay Pa-on pero noong 2002 lumipat siya sa Novaliches. Matagal na namin siyang sinusubaybayan. Nakatanggap kami ng impormasyon na dumating siya nitong Biyernes na may dalang mga ilegal na bagay mula sa Maynila,” aniya.
Ang high-value target ay sumakay sa isang bus mula sa Maynila na bumibiyahe sa pamamagitan ng roll-on/roll-off patungong Panay Island.
Matagal nang nasa drug watch list si alyas Rene ngunit walang criminal record, ayon kay Martinez.