Advertisers

Advertisers

FISHING BOAT BINANGGA NG BARKO: 3 PATAY

0 27

Advertisers

NASAWI ang tatlong mangingisdang Filipino nang mabangga ng banyagang barko ang kanilang bangka sa karagatang sakop ng Infanta, Pangasinan noong Lunes.

Kinilala ang mga nasawi na sina Dexter Laundensia, 40 anyos, boat captain; Romeo Mejico, 38; at Benedick Uladandria, 62, pawang residente ng Barangay Calapandayan, Subic, Zambales.

Nakaligtas naman sina Johnny Manalo, Estelito Sumayang, 50; Mario An, 50; Mandy An, 22; Michel An, 37; Gino Arpon, 30; John Michel Nogas, 37; Noriel Tolores, 27; William Asuntista, 39; Darwin Mejia, 32, at Reymark Bautista, 30, pawang residente din ng Barangay Calapandayan.



Ang insidente, na iniulat ni Manalo, ay nangyari sa distansiyang 333 kilometro hilaga-kanluran ng Barangay Cato, Infanta.

Ayon kay Manalo sakay sila ng F/B Dearyn nang banggain ng barko at mabilis na lumubog ang kanilang bangka dahil sa grabeng pinsala.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), aksidenteng nakabanggaan ng Filipino fishing boat ang isang foreign commercial vessel na naglalayag sa bisinidad baybayin ng Bajo de Masinloc.

Sa pinakahuling update ng PCG, natukoy ang foreign vessel na Pacific Anna, isang crude oil tanker vessel, na nakarehistro sa ilalim ng flag ng Marshall Islands.

Sinabi ng PCG, base sa mga pahayag ng survivors, nangyari ang insidente habang ang kanilang mother boat FFB Dearyn ay nakatigil sa kanilang payao sa bahagi ng northwest ng Bajo de Masinloc o 180 NM mula sa Agno, Pangasinan.



Walo sa mga mangingisda ang nagsasagawa ng fishing ventures sa iba’t ibang lokasyon habang ang anim na iba pa kasama ang boat captain ang nanatili sa mother boat.

Dahil sa epekto ng panahon na nagdulot ng dilim, nabigo ang mga crew na naiwan sa mother boat na ma-detect ang paparating na barko na nagresulta ng banggaan, dahilan ng paglubog ng mother boat.

Naghiwa-hiwalay ang mga crew survivor upang hanapin ang kanilang kasamahan kungsaan natagpuan ang katawan ng mga biktima sa loob ng pilot house.

Dinala ang kanilang mga labi sa Coast Guard Sub-Station Infanta, gamit ang walo nilang maliliit na service boats.

Nagsasagawa na ngayon ang PCG ng imbestigasyon at sinusuri ang marine traffic.

Nakipag-ugnayan narin ang PCG sa registered flag ng foreign vessel at sa sunod na daungan na bibisitahin nito kungsaan aakyat ang port state control officers.

Samantala, tiniyak ni Pangulong “Bongbong” Marcos na mananagot ang sinumang responsable sa pagbangga sa fishing boat ng mga mangingisda at pagkamatay ng tatlo sa mga ito.

Tiniyak din nito na bibigyan ng kaukulang suporta at tulong ang mga biktima at kanilang pamilya.