Advertisers
Naaresto na ang kontrobersyal na drag performer na si Pura Luka Vega o may tunay na pangalan na Amadeus Fernando Pagente ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) Station 3 sa bisa ng warrant of arrest sa ikinasang manhunt operation, nitong Miyerkules ng hapon.
Sa panayam kay MPD-Public Information Office Major Philipp Ines, kinumpirma nito ang pagkakadakip kay Vega na isa rin senior health program officer ng Department of Health (DOH) kaugnay sa isinampang reklamo laban sa kanya ng mga opisyal ng Hijos del Nazareno mula sa Simbahan ng Quiapo.
Naaresto si Pura sa kanilang bahay sa Hizon St., Brgy. 339, Sta. Cruz, Maynila sa bisa ng warrant of arrest na ibinaba ni Hon. Czarina Encarnacion Samonte-Villanueva, Presiding Judge ng Manila Regional Trial Court Branch 36.
May kinakaharap si Vega na kasong Immoral Doctrines, Obscene Publicatons and Exhibitions and indecent Shows at Cyber Crime Prevention Act.
Maalala na nag-viral si Vega sa social media kung saan suot nito ang kasuotan ng imahe ng Poong itim na Nazareno habang inaawit ang rock version ng “Ama Namin”. (Jocelyn Domenden)