Advertisers
NASAWI ang apat katao na miyembro ng isang pamilya sa sunog sa Barangay Western Bicutan, Taguig City nitong Huwebes ng madaling araw (Oct. 5, 2023).
Sa sketchy report na natanggap ng Substation 2, Taguig City Police, kinilala lamang ang mga nasawi sa kanilang mga pangalang Hanna, 13; Janna, 13; Al, 17; at Al Nassar, 21.
Sa inisyal na impormasyong inilabas ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog 3:54 ng umaga nitong Huwebes sa isang bahay na tinitirhan ng isang nagngangalang Emelita sa Gumamela Street, Katipunan Village, Barangay Western Bicutan.
Isang bahay lamang na gawa sa light materials ang nasunog.
Itinaas sa first alarm ang nasabing sunog na naapula makalipas ang 40 minuto.
Na-trap ang mga biktima sa sunog at hindi nagawang mailigtas ang mga ito.
Hindi nadamay ng panganay na anak sa sunog dahil nakitulog ito sa isang kaibigan makaraan umanong sabihan ng ina nitong huwag munang umuwi at nakapanaginip siya ng hindi magandang pangyayari.
Tinatayang aabot sa halagang P200,000.00 ang mga ari-ariang napinsala.
Inaalam pa kung ano ang sanhi ng sunog.(GAYNOR BONILLA)