Advertisers
Boluntaryong sumuko na sa awtoridad ang anim na pulis na inutusang arestuhin kaugnay ng pagkamatay ng 17-anyos na si Jemboy Baltazar.
Kinilala ang mga sumukong pulis na sina Police Executive Master Sergeant Roberto Balais Jr., Police Staff Sergeant Gerry Maliban, Police Staff Sergeant Antonio Bugayong, Police Staff Sergeant Nikko Esquilon, Police Corporal Edmark Jake Blanco, at Patrolman Benedict Mangada.
Sumuko ang anim sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Lucena City sa Quezon nang ipag-utos ng Navotas City Regional Trial Court Branch 286 ang kanilang pag-aresto.
Nahaharap ang anim na pulis sa mga kasong murder at walang kaukulang piyansa.
Namatay si Baltazar noong Agosto 2 habang patungo sa pangingisda nang pagbabarilin ng mga pulis ng Navotas City na tumutugis sa suspek sa pamamaril sa Barangay NBBS Kaunlaran.
Walong pulis, kabilang ang anim na inutusang arestuhin ng korte, ang tinanggal sa serbisyo kaugnay ng insidente.
Sinabi ng isang kasama na kasama ni Baltazar na inihahanda nila ang kanilang bangka nang utusan sila ng isang pulis na bumaba. Sinubukan umano nilang isuko ang kanilang sarili, ngunit patuloy umano sa pagbaril ang mga pulis, dahilan upang sumisid si Baltazar sa tubig.
Nang maglaon, sinabi ng pulisya na isang kaso ito ng mistaken identity. Ilan sa anim na pulis na unang iniulat na sangkot sa insidente ang nagsabi sa kanilang mga affidavit na nagpaputok sila ng baril sa tubig at hindi nila sinasadyang tamaan si Baltazar.
Ang kilalang forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun nagsabi na ang resulta ng autopsy nagsiwalat na mayroon din tama ng baril si Baltazar sa kanyang kanang kamay, na nagpapahiwatig na sinubukan niyang ipagtanggol ang kanyang sarili.
Napag-alaman sa autopsy na dalawang beses tinamaan si Baltazar, sa ulo na may entry wound sa likod ng tenga at exit wound sa ilong, habang ang isa pang putok tumama sa kanang kamay. (KOI LAURA)