Advertisers
HINDI inakala ng isang ama na mismong anak nito ang papatay sa kanya nang saksakin sa dibdib nang awatin ang una at isa pa nitong anak na nag-aaway, noong Linggo ng gabi sa bayan ng Cuartero, Capiz.
Kinilala ang nasawi na si Ruben Sibug, 53-anyos; nagpapagaling naman sa Senator Gerardo M. Roxas Memorial District Hospital ang anak nitong si Jori Sibug, dahil sa tinamong tama ng saksak sa paa.
Nakakulong naman sa Cuartero Municipal Police Station, ang salarin na panganay na anak ng biktima na si Joven Sibug, 30 anyos, residente ng Sitio Hacienda, Barangay Bitoon, Ilawod, Cuartero, Capiz.
Sa report ng Cuartero Municipal Police Station, nagtungo sa isang okasyon ang magkapatid subali’t bigla na lamang nagkaroon ang dalawa ng hindi pagkakaunawaan na nauwi sa mainitang pagtatalo.
Para matigil na ang kanilang pagtatalo nagpasyang umuwi si Jori subali’t sinundan ito ng salarin at nang maabutan nasaksak niya ito sa paa.
Nakarating naman sa kanilang ama ang pangyayari kaya dali-daling pinuntahang ng matandang Sibug ang kanyang mga anak at naabutan ito na duguan si Jori.
Inawat ng ama ang salarin subali’t hindi ito nagpaawat kaya nasampal niya ito dahilan para saksakin siya sa dibdib .
Agad naman dinala sa ospital ang mag-amang Jori pero idineklara na rin patay ang matandang Sibug.
Tumakas naman ang salarin subali’t kalaunan nadakip rin sa follow-up operation ng pulisya.
Inihanda na ang kasong isasampa laban kay Joven.