Advertisers
NASUGATAN ang isang scavenger nang subukan nitong buksan at sirain ang isang umano’y kahugis ng ‘vape’ na kinuha niya sa basurahan malapit sa waiting shed, hindi kalayuan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Biyernes ( Oct. 6 )
Kinilala ni Airport Police Intelligence and Investigation Department (PIID) Chief Supt.Bing Jose ang scavenger na si Romeo Soriano,64-anyos, na nagtamo ng minor injury na paso sa kanang tenga, mukha at kaliwang kamay nang sumabog ang isang bagay na kanyang binuksan galing sa basurahan.
Sa ulat ng pulisya, bandang 2:50 PM Biyernes nang makarating sa kaaalaman ng isang roving security guard ang insidente nang pagsabog na nangyari malapit sa NAIA Parking B dahilan upang ipaalam nito sa Airport police na agad rumesponde sa nabanggit na lugar.
Ang biktima ay dinatnan ng mga awtoridad na duguan kaya’t tumawag sila ng MIAA ambulance upang mabigyan ng first aid ang scavenger.
Dumating sa pinangyarihan ang Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP) kasama ang kanilang mga bomb sniffing dogs na agad na nagsagawa ng paneling at clearing operation sa paligid kung saan nagkaroon ng pagsabog.
Inakala ng mga awtoridad na malakas na pampasabog ang napulot ni Soriano dahil bahagya lamang itong nasugatan maliban sa napaso ang kanyang tenga.
Noong nakalipas na araw ay nakatanggap ng intelligence report ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na mayroong mahigit 40 Airport sa bansa ang umano’y tinaniman ng ‘bomba’ dahilan upang maghigpit ang mga awtoridad sa lahat ng paliparan sa bansa. (JOJO SADIWA / JERRY TAN)