Advertisers

Advertisers

2 PINOY PATAY SA GIYERA SA ISRAEL; 1 SA 7 MISSING NATAGPUAN NA

0 11

Advertisers

KINUMPIRMA ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Miyerkules na dalawang Pilipino ang nasawi sa nagpapatuloy na giyera sa Israel sa sorpresang pag-atake ng militanteng grupong Hamas.

Ipinahayag ni Philippine Foreign Secretary Enrique Manalo ang pagkondena sa nasabing insidente.

“The Philippines condemns the killing of two (2) Filipino nationals and all other acts of terrorism and violence as a result of Hamas actions against Israel,” post ni Manalo sa X.



Hindi agad malinaw kung ang dalawang nasawi ay kabilang sa 6 Israel-based Filipino na sinisikap hanapin ng DFA nitong mga nakaraang araw.

Hindi na nagbigay ng karagdagang detalye si Manalo tungkol sa dalawang Pilipinong nasawi, ngunit sinabi niya na ang DFA ay “patuloy na magbibigay ng lahat ng posibleng tulong sa distressed Filipino nationals sa Israel at Palestine.”

May 30,000 Pilipino sa Israel, at 137 iba pa sa Gaza strip.

Aniya, handa ang Pilipinas na tumulong sa iba pang bansa para sa pagtatamo ng pangmatagalang kapayapaan sa lugar alinsunod narin sa prinsipyo ng UN Securtiy Council Resolutions.

Tiniyak din ng ahensya na nakaalalay at nakabantay ang pamahalaan sa ating mga kababayang naiipit sa gulo sa pagitan ng Israel at Palestine.



Samantala, ayon sa DFA natagpuang ligtas ang isa sa pitong Pinoy na naiulat na nawawala sa Israel.

“The Embassy confirms that one more of the missing Filipino nationals has been accounted for, a female found in a safe area,” ani DFA spokesperson Ma. Teresita Daza.

Sa ngayon, anim na lamang ang naitalang Pinoy na nawawala, dalawa rito ang lalaki at apat na babae.

Tinitingnan din ng Embahada ng Pilipinas sa Israel ang mga ulat ng posibleng pagkamatay ng isang babaeng Pilipino na naunang naiulat na nawa-wala sa isa sa sinalakay na kibbutzim (agricultural settlement area).

Tiniyak ng DFA na nasa ground ang labor attaché at welfare officer ng Embassy para tulungan ang kapatid ng babae sa pagkumpirma ng ulat sa Israeli Police.