Advertisers
ABOT-TENGA ang ngiti ng 100 senior citizens mula sa Barangay Pembo makaraang bisitahin nila ang Center for the Elderly noong Lunes, Oktubre 9 sa Lungsod ng Taguig.
Ang binuksan na pasilidad sa pamamagitan ng Office of the Senior Citizen Affairs (OSCA), ay labis na ikinatuwa ng mga ‘seniors’ mula sa EMBO areas kung saan ay nagkaroon sila ng pagkakataong mapakinabangan ang mga libreng serbisyo ng pasilidad, kabilang ang mga sauna massage sessions, foot spa, pagpapalabas ng pelikula, at refreshments.
Bilang bahagi ng Transformative, Lively, at Caring Agenda ng lokal na pamahalaan, nilalayon ng Lungsod na mabigyan ang mga matatandang residente mula sa EMBO ng unang karanasan sa mga mahuhusay na amenities ng pasilidad na naghihikayat sa kanila na magpahinga, mag-recharge, at magpabata.
Nagtatampok ang Center for the Elderly ng hanay ng mga amenities kabilang ang therapy pool, clinic, sauna at massage room, cinema/mini theater, multi-purpose hall/recreational area, at rooftop garden.
Nasa pasilidad din ang Taguig Geriatric Program na inilunsad sa pakikipagtulungan sa St. Luke’s Medical Center, na nag-aalok ng mga senior citizen ng comprehensice health services kabilang ang mga konsultasyon at pagsusuri ng mga medical professionals.
Maaaring masuri ng mga Senior Citizen ang kanilang mga kasanayan sa memorya, visual, at pandinig tuwing Martes, habang ang mga Informative na lecture at forum sa mga paksa tulad ng depression, dementia, osteoporosis, at eating habits ay ginaganap tuwing Huwebes.
Bukod sa mga magagamit na amenities at programa, ang Center for the Elderly ay isa ring lugar kung saan ang mga senior citizen ay makakaranas ng malakas na pakiramdam.
Si Bienvenido C. Gonzalez Jr., isang 66-anyos na residente mula sa Barangay Pembo ay pinuri ang pasilidad at mga kawani nito. Ipinahayag niya kung gaano siya nagpapasalamat sa Taguig sa pagbibigay prayoridad sa mga matatanda at hinikayat ang mga kapwa senior citizen na bisitahin ang center.
“Maganda ang mga pasilidad. Magagaling din ang mga nag-aassist. Libangan talaga ng mga senior kaya maraming salamat. Sana maakit ‘yung ibang senior na pumasyal. Ako at aking mga kasamahan na nagpunta rito ay nagpapasalamat sa pamahalaang lungsod ng Taguig. Alam po namin na mas priority niyo ang mga matatanda kaya salamat po sa pagbibigay ng oportunidad para sa ganitong pagtitipon na pati isip mo ay marerelax,” ani Gonzalez
Si Felicidad Paloma, isang 74-anyos na residente ng Barangay Pembo ay nasiyahan sa libreng masahe sa kanyang oras sa pasilidad. Bukod sa paghikayat sa mga kapwa EMBO senior citizens na bumisita, ipinahayag niya kung gaano niya kagustong makabalik at ma-enjoy muli ang amenities.
“Very good yung pagmasahe sa akin nawala yung sakit ng likod ko. Nawala din yung tusok-tusok sa paa ko. Kapag may chance, babalik at babalik ako rito. Nirerekomenda ko ang mga seniors na manood ng sine dito at maglibang-libang, hindi ‘yung parati lang nasa bahay,” masayang sinabi ni Paloma
Ang pasilidad ay nakatakdang magbigay ng tour sa iba pang senior citizens mula sa Brgy. Rizal, Brgy. East Rembo, Brgy. Cembo, Brgy. Post Proper Southside, Brgy. Pitogo, Brgy. Comembo, Brgy. Post Proper Northside, Brgy. South Cembo, at Brgy. West Rembo sa mga susunod na araw.
Sa pagpapatuloy ng pagdiriwang ng Elderly Filipino Week 2023, aktibong nakikipag-ugnayan ang pamahalaang Lungsod sa mga senior citizen ng Taguigueño, kabilang ang mga naninirahan sa EMBO, upang lumahok sa mga aktibidad na inilunsad lalo na para sa kanila at makinabang sa maraming libreng serbisyo nito. (JOJO SADIWA)