Advertisers
INOOBSERBAHAN ngayon sa pagamutan ang isang abogado na kandidato sa barangay election matapos araruhin ng sasakyan kasama ang kandidatong kapitan at lima pa habang nangangampanya nitong Martes sa Cebu city.
Ginagamot sa ospital si Atty. Alex Leyson, kandidatong kagawad, habang sugatan ang anim na iba pa kabilang ang kandidatong barangay chairman na si Ronnie Caminade, pawang taga-Barangay Talamban, Cebu City.
Nakakulong na sa Talamban Police Station ang nakasagasang driver ng Toyota Rush na hindi pinangalanan ng pulisya, 26 anyos at isang call center agent.
Ayon kay Police Major Jolito Marquez, hepe ng Talamban Police Station, 9:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa kalsadang sakop ng Sitio Kalubihan, Barangay Talamban.
Sa imbestigasyon ng pulisya, naglalakad ang mga biktima sa gilid ng kalsada nang araruhin ng sasakyan, na posible umanong nakatulog ang driver habang nagmamaneho.
Nagtamo ng matinding pinsala si Leyson at dinala ang mga ito sa North General Hospital at Perpetual Succor Hospital para lapatan ng lunas.
Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple injuries ang driver.