Advertisers
NANGAKO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na muli niyang bubuhayin ang mga repormang pansakahan o agricultural reforms na sinimulan ng kanyang ama na si dating Pangulong Marcos Sr.
Sa kanyang talumpati sa paggunita sa ika-70 anibersaryo ng Federation of Free Farmers (FFF) sa Quezon City, nanawagan din si PBBM ng whole-of-nation approach para tugunan ang mga hamon sa agri-fishery sector.
Ayon sa Pangulo, pangunahing tinututukan ng kanyang administrasyon ang pagmodernisa sa agri-fishery sector sa bansa na ilang dekada na aniyang napabayaan.
“Kaya po ito po ay napakalaking trabaho. Kaya’t kailangan po natin, hindi kaya ng pamahalaan na nag-iisa na gawin lahat ito, kaya’t kailangan po natin ang tulong ninyo. Kailangan namin ang sipag ninyo, kailangan namin ang advice ninyo dahil kayo ang nakaharap sa mga problema ng agrikultura na dinadaanan natin ngayon,” wika ng Pangulo.
Aniya, prayoridad din ng gobyerno ang pagpapalakas ng ani ng mga magsasaka at pagtiyak na abot-kaya at sapat ang suplay ng pagkain sa bansa habang sinisikap na mabawasan ang pagsandal sa importasyon.
Bukod dito, naniniwala rin si Pangulong Marcos na lalago ang fisheries at farming industries sa pamamagitan ng modernisasyon na pinaglaanan ng P85.88 bilyon na pondo ngayong taon habang itinaas ang proposed budget dito sa P92.4 bilyon para sa 2024. (Gilbert Perdez)