Advertisers
Iniimbestigahan ngayon ng Navotas PNP ang isang babae nang mahuli sa akto na namimigay ng envelope na may lamang pera sa isinagawang Operation “Kontra Bigay” ng Commission on Election ( COMELEC ) at ng pulisya sa Navotas City.
Sa ulat, 11:00 ng umaga nitong Miyerkoles nang magkasa ng “Operation Kontra Bigay” ang Comelec sa pangunguna ni CEO Atty. Greg Bonifacio at Navotas City Chief of Police PCol. Mario Cortes nang makatanggap ng impormasyon hinggil sa nagaganap umanong bigayan ng pera sa loob ng warehouse ng Mega Sardines na matatagpuan sa Policarpio St. M. Naval, Barangay San Jose, Navotas City.
Huli sa akto ang isang alyas “Marie” na mula sa Tugatog, Malabon City na namimigay ng mga envelope na may nakapaloob na P300 hanggang P500 sa loob ng nasabing warehouse.
Naabutan din ng mga otoridad sa lugar ang nasa 200 katao na pawang rehistradong botante ng Malabon City na nagsasagawa umano ng watchers training sa loob ng naturang warehouse.(Beth Samson)