Advertisers
Upang igiit ang pantay na karapatan inilunsad ng grupong Pride PH at PANTAY ang The Rainbow Report Card na siyang magbibigay ng grado sa mga paaralan sa bansa kaugnay sa patas na pagtrato sa mga mag-aaral na nasa hanay ng LGBTQ+.
Nabatid kay Mela Habijan ng Pride Philippines Convenor iginigiit ng kanilang grupo ang pantay na karapatan ng LGBT para sa mga estudyante sa paaralan
Sinaksihan nina Ambassador Marielle Geraedts ng The Netherlands, Comm. Atty. Afayda Dumarpa ng Commission on Human Rights ang launching ng The Report Card sa Far Eastern University sa Maynila.
Layunin nito, bigyan ng grado ang mga paaralan sa Metro Manila kung naipapatupad ba ang Gender and Equality pagdating sa mga estudyante na bahagi ng LGBTQ+.
“Iginigiit ng aming grupo ang pagbibigay ng pantay na karapatan ng mga LGBT sa mga paaralan” ayon kay Habijan.
May mga natanggap kasi silang mga ulat na mayroong mga paaralan ang hindi tumatanggap ng mga estudyante kapag enrollment, hindi nagbibigay ng exam sa mga LGBTQ+ na mahaba ang buhok, hindi nagsasagawa ng Pride Month tuwing Hunyo at maraming iba pa.
“Ang pantay na karapatan ng mga LGBT sa paaralan ay ginagarantiyahan” sinabi pa ni Habijan.
Sa pamamagitan ng The Rainbow Report Card, matutukoy ang mga eskwelahan kung maayos na naipapatupad ang mga Memorandum Orders ng DepEd at CHED kaugnay sa Project Gender Equality Index for Schools.
Magsasagawa rin ang Pride PH at PANTAY ng mga consultation at validation workshop sa mga paaralan tulad ng FEU Manila, Pamantasan ng Lungsod ng Marikina, PHINMA Education, Pasig City Science High School at Ateneo Senior High School para sa pilot implementation.(Boy celario)