Advertisers

Advertisers

‘Missing’ Ateneo student nakauwi na, ‘di dinukot

0 40

Advertisers

NAKAUWI na, at hindi dinukot ang napaulat na nawawalang estudyante ng Ateneo de Manila University nitong Oktubre 23, 2023 sa Quezon City.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director, Brig. General Redrico A Maranan, ang estudyanteng 16-anyos ay nakauwi na sa kanilang bahay 10:00 ng gabi ng Oktubre 24, 2023.

Sa ulat, 5:45 ng umaga nitong Oktubre 23, umalis sa kanilang bahay ang estudyante para pumasok sa eskuwelahan, Ateneo de Manila University sa Katipunan Ave., Quezon City, at ang usapan sa pag-uwi mula klase ay magkikita sila ng kanyang babaeng kapatid 6:00 ng hapon pero hindi nagpakita ang estudyante.



Dakong 11:30 ng gabi, nagpasiyang ipaalam ng pamilya ang hindi pag-uwi ng binatilyo sa QCPD Anonas Police Station 9 na pinamumunuan ni Lt Colonel Ferdinand Casiano.

Agad naman bumuo si Casiano ng tracker team para magsagawa ng backtracking sa CCTV footage sa Ateneo de Manila University at sinuri din ang mga malalapit na bar at hotel sa unibersidad upang matunton ang estudyante.

Sa pagsusuri sa CCTV, 4:32 ng hapon, nakita ang binatilyo na sumakay sa isang tricycle mula unibersidad papuntang UP Town Center sa Katipunan Avenue dahilan para makipag-ugnayan ang pulisya sa Brgy. Loyola Heights at Brgy. Pansol.

Sa tulong ng pamunuan ng dalawang barangay, natunton ang driver ng sinakyang tricycle ng binatilyo, sinabing hinatid ang estudyante sa UP Town Center ilang metro ang layo mula sa unibersidad.

Nakita din sa CCTV na pumasok ang estudayante sa Bruno’s Barber Shop, pero ayon sa security guard hindi nila ma-access ang CCTV sa loob ng establishment.



Makaraan, 4:30 ng umaga ng Oktubre 24, 2023, idineklarang “missing person” na ang estudayante at nagpalabas na ng alarma ang pulisya sa lahat ng estasyon ng pulisya sa National Capital Region Police Office (NCRPO).

Oktubre 24, 2023, dakong 10:00 ng umag at 3:00 ng hapon, natunton ng tracker team sa tulong ng iba’t ibang law enforcement agencies ang lokasyon ng SIM card na ginamit ng estudyante sa Calumpang, Marikina City, at sa La Trinidad Pension House, V. Gomez St., Brgy. San Roque, Marikina City, pero bigong matagpuan ang estudyante.

Pero makalipas ang ilang oras, 10:00 ng gabi ng Oktubre 24, 2023, nakatanggap ng tawag ang tracker team mula sa pamilya ng bata at ibinalitang nakauwi na ito. Agad na tinungo ng mga operatiba ang bahay at nakumpirmang nakauwi na ang binatilyo.

Hindi tinukoy sa pulisya kung saan nagpunta ang estudyante, at kung ano ang dahilan ng hindi niya pag-uwi agad.

“Nanawagan ako sa publiko na agad i-report sa kinauukulan ang mga ganitong insidente para agad natin itong maaksyunan,. Pinapapurihan din natin ang mga tauhan ng Station 9 sa pamumuno ni Lt Col. Ferdinand M Casiano sa matiyaga na pagtugaygay sa.mga lugar na pinuntahan ng nasabing estudyante”, pahayag ni Brig. Gen. Maranan. (Almar Danguilan/Ernie dela Cruz)