Advertisers
KASABAY ng paghahanap ng mga awtoridad kay Catherine Camilon, inaalam din ang kinaroroonan ng kaniyang sasakyan na gamit ng beauty queen nang huli siyang makita. Batay sa CCTV footage, tila hindi siya nag-iisa sa sasakyan.
Nagsagawa na ng command conference nitong Lunes sa Laguna ang Police Regional Office-CALABARZON para talakayin ang paghahanap kay Catherine, isa rin guro sa Tuy, Batangas.
Ayon sa mga awtoridad, may ‘person-of-interest’ na sila pagkawala ng beauty queen pero tumanggi muna silang magbigay ng detalye habang patuloy pa ang imbestigasyon.
Sa naturang pagpulong, ipinakita ang ilang CCTV footage na nakuhanan ang pagdaaan ng sasakyan ni Catherine sa ilang bayan sa Batangas Oktubre 12.
Matapos na mamataan si Catherine na naglalakad sa loob ng isang mall sa Lemery 7:24 ng gabi, nakita ang kaniyang sasakyan na dumaan sa Poblacion Uno sa Sta Teresita 8:07 ng gabi.
Tatlong minuto pagkaraan nito (8:10 ng gabi), nahagip ng CCTV camera ang pagdaan ng sasakyan sa Barangay Muzon sa bayan ng San Luis. Sa pagitan ng 8:24 ng gabi hanggang 9:25 ng gabi, makikita ang pagdaan ng sasakyan sa ilang barangay sa Bauan.
Sa kuha sa CCTV camera, tila may kasama sa sasakyan si Catherine.
Matatandaan na una nang sinabi ng ina ni Catherine na nagpadala ito ng mensahe na nasa isang gas station siya ng Bauan.
Dakong 9:53 ng gabi, lumabas ang sasakyan ni Catherine sa Barangay San Agustin sa Bauan. At pagsapit ng 10:00 ng gabi, namataan na lumabas ito ng barangay road ng Barangay Sta. Maria.
Nakikipagtulungan na ang PRO-CALABARZON sa Criminal Investigation and Detection Group at Highway Patrol Group para matunton din ang sasakyan ni Catherine.
Itinaas ang pabuya sa sinumang makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni Camilon.
Mula sa dating P200,000 pabuya, itinaas na ito sa P250,000.
Ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) executive director, retired Major Gen. Gilbert Cruz, nag-alok narin ang PAOCC ng karagdagang P50,000 reward cash money para sa magbibigay ng impormasyon upang makatulong sa pagtunton kay Camilon.
Nauna rito, nag-alok si Batangas Vice Governor Mark Leviste ng P100,000 pabuya upang makatulong sa mabilis na paghahanap kay Camilon.
Binanggit din ni Calabarzon Police Director, Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas, na sumunod na nag-alok ang business sectors mula sa iba’t ibang stakeholders ng P100,000 reward para makatulong sa kaso ni Camilon.
Pinakilos na rin ng Calabarzon Police ang kanilang “Committee on Missing Persons” upang mag-imbestiga sa pagkawala ng 2023 Miss Grand Philippine finalist na si Camilon.
Samantala, nakikipag-ugnayan na ang Philippine Coast Guard sa Philippine National Police upang mapalawak ang ginagawang paghahanap sa beauty queen.
Sinabi ni PCG Commodore Geronimo Tuvilla, tinitingnan na nila ang mga passenger manifests sa lahat ng barkong umalis sa Batangas port simula nang araw na mawala si Camilon at sa mga lugar na posibleng dinaanan ng sasakyan nito.