Advertisers
TINANGGIHAN ng anti-graft court Sandiganbayan ang apela ni Gigi Reyes na kaagad ibasura ang kanyang plunder case na may kaugnayan sa pork barrel scam.
Sa isang resolution na inilabas Oktubre 17, dinismis ng Sandiganbayan Third Division ang apela ni Reyes para sa kanyang ‘motion for leave of court to file demurrer to evidence’ dahil wala namang bago sa naging argumento niya sa naunang motion na binasura ng korte.
“Apart from restating the grounds mentioned in the motion for leave to file demurrer to evidence, no new arguments were raised that would warrant a reversal of the Court’s Resolution dated September 19, 2023,” giit ng korte.
Si Reyes ay akusado sa pagganap ng pakikipagsabwatan para sa kanyang dating boss, si dating Senator Juan Ponce Enrile, at private defendants Janet Lim Napoles at John Raymund de Asis para lokohin ang gobyerno ng daan daang milyon mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) “pork barrel” ni Enrile.
Sa kanyang huling apela, kinuwestyon ni Reyes ang basehan sa mga alegasyon na siya’y nakipagsabwatan sa kanyang mga co-accused at aniya’y pagkiling sa bahagi ng Sandiganbayan dahil si Enrile ay pinayagan na mag-file ng kanyang ‘demurrer to evidence’. Si Reyes ay dating chief of staff ni Enrile.
Napansin ng korte na sinalungat ni Reyes ang kanyang sariling argumento sa pag-giit sa isyu ng partiality.
“While accused Reyes assails the alleged presence of conspiracy in this case, she now asserts the very same concept of conspiracy in her motion for reconsideration to entitle herself to file the intended demurrer to evidence,” sabi ng korte.
Itinakda ng anti-graft court ang pagpatuloy ng presentasyon ng mga ebidensiya ni Reyes sa Nobyembre 7 at 9 bandang 2:00 ng hapon, at bawat Martes at Huwebes hanggang matapos ang kaso.