Advertisers
MASUSING iniimbestigahan ngayon ng Commission on Elections (Comelec) ang tatlong magkakahiwalay na insidente ng sunog sa mga paaralan sa Lanao del Norte at Maguindanao.
Ayon sa Comelec, tinitingnan nila ang anggulo ng rason kung electrical connection nga ba ang dahilan ng pagkasunog ng paaralan sa Lanao del Norte at ano ang dahilan naman ng pagkasunog ng paaralan sa Maguindanao.
Dakong 1:50 ng madaling araw nitong Sabado nang maganap ang sunog sa Ruminimbang Elementary School sa Brgy. Ruminimbang, Barira, Maguindanao at natupok ang ilang silid-aralan mula Grade 1 hanggang Grade 4. Wala namang naiulat na nasawi sa insidente.
Maalalang nasa ‘red category’ o ‘election area with grave concern’ ang Brgy. Ruminimbang at posibleng may kaugnayan ang panununog sa darating na Barangay at SK Elections 2023.
Samantala, 4:00 ng madaling araw ng kaparehong araw natupok din ng apoy ang Dalican Pilot Elementary School sa Poblacion, Dalican, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Sur.
Binuhusan umano ng tatlong galon ng gasolina ang mga gusali ng mga hindi pa nakikilalang salarin.
Natupok ang dalawang silid-aralan at isang school canteen.
Gayunpaman, tiniyak ng Comelec na hindi maaantala ang BSKE sa naturang mga lugar, iginiit na magiging maayos ang botohan kahit pa may mga insidente ng sunog.
Samantala, nasunog din ang Poona Piagapo Central Elementary School, Old Poblacion sa Poona Piagapo, Lanao Del Norte, 2:00 ng madaling araw.
Naapula ang apoy 4:00 ng umaga ng Sabado. Walang naiulat na nasawi.
Ang sanhi ng sunog at ang lawak ng pinsala ay iniimbestigahan pa.
“Hindi po pangkaraniwan dahil wala namang tao sa paaralan, at siyempre ngayon ay Sabado na, kalimitan wala namang pasok ang mga bata kapag Sabado. And therefore napakaimposible namang sabay pa kung yan ay electrical connection,” ani Comelec chief Garcia.
“Therefore, malapit na ang eleksyon, diyan iho-hold ang halalan, talagang kahina-hinala po ‘yung pagkasunog na ‘yan ng dalawang eskuwelahan,” aniya pa.
Wala umanong magiging epekto sa isasagawang BSKE ang pagsunog sa tatlong paaralan.
Ayon kay Garcia, hindi gagamitin bilang polling precinct ang mga sinunog na silid-aralan kaya wala itong epekto sa pagboto ng mga botante ngayon Oct. 30.
Aniya, bagama’t nasa loob ng compound ng paaralan ang naturang mga gusali, mistulang nagkamali ang mga sumunog sa eskwelahan dahil hindi ito ang gagamiting presinto sa halalan.