Advertisers
NAGLABO-LABO at nagkademandahan ang supporters ng dalawang naglalabang kandidato sa pagkakapitan dahil umano sa vote buying at pamimigay ng bigas ng mga supporter ng isa sa mga kandidato sa Barangay, Sampaga, Balayan, Batangas.
Ayon sa report ng Balayan Police, ang mga nasangkot sa kaguluhan ay kinilalang sina John Kenneth Valencia, Reynor Navalez at John Mark Mapalad na pawang tagasuporta ng kandidatong si Joel Mapalad.
Sa imbestigasyon, 7:40 ng gabi, nasa headquarters ni Mapalad ang kanyang mga tauhan nang makita nila ang driver na si Guilbert Comia na pasakay sa mini dump truck na may lamang mga balot-balot na plastic bag ng bigas.
Bintang ng mga supporter ni Mapalad, ipamamahagi ni Comia at ng mga kasama nito na sina Harold Matira, 35, isang nurse; at Analiza Arellano ang mga bigas sa mga botante.
Ang tatlo ay mga supporter umano ng incumbent barangay captain na si Marites Dionido Ilagan, ang kalaban ni Mapalad.
Pinigilan nila ang driver at nagkaroon ng pagtatalo na nauwi sa pambubugbog ng mga supporters ni Mapalad sa nasabing driver.
Matapos ang pangyayari, nagharap ng kaso ang nabugbog na driver. Nagkontra demanda naman ang kandidatong kapitan na si Mapalad.