P500M confidential funds ng OVP ‘di na maibabalik kahit pa sumalang sa bicam committee – Sen. Zubiri
Advertisers
INIHAYAG ni Senate President Juan Miguel Zubiri na hindi na nga maibabalik pa ang tinanggal na P500 million na confidential fund sa panukalang budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa susunod na taon.
Sinabi ni Zubiri, nakausap nila si Vice President Sara Duterte bago sumalang sa budget deliberation ang OVP at ang bise presidente mismo ang umaayaw na maibalik ang confidential funds.
Dahil aniya rito, maituturing nang ‘moot and academic’ na pag-usapan pa sa bicameral conference committee ang confidential fund ng OVP.
Matatandaang sa plenary deliberations nitong Huwebes, ay inanunsyo ni Senator Sonny Angara na hindi na hihingi ang OVP ng confidential funds sa 2024 budget.
Ito ay sa paniniwala ni Duterte na magdudulot lamang ito ng pagkawatak-watak at bilang ikalawang Pangulo ng bansa ay may sinumpaan siyang tungkulin na panatilihin ang kapayapaan at katatagan ng bansa.
Dahil wala na ang confidential fund, ang dating P2.3 billion na 2024 budget ng OVP ay bumaba na sa P1.87 billion.