Advertisers
WALA umanong “foul play” sa natagpuang bangkay ng dalawang babaeng estudyante sa loob ng Signal Village National High School (SVNHS) sa Taguig City, Biyernes ng gabi, Nob. 10.
Kinilala ang mga biktima na sina Mary, 15, Grade 10 student; at Irish Sheen Manalo, Grade 8, 13 anyos.
Sa isang Facebook post, nanawagan si Rhea Manalo, pinsan ng isa sa mga biktima na si Irish Sheen Manalo, sa mga estudyante at guro ng paaralan na tulungan ang kanilang pamilya para malaman ang tunay na nangyari kay Irish at sa kaklase niyang si Mary.
“Sheen and her classmate Mary were found dead last night, “nakabigti” daw according sa mga guard ng Signal Village National High School, nilabas ng police ‘yung dalawang bata without the SOCO,” salaysay ni Rhea nitong Sabado, Nobyembre 11.
“Uncooperative ‘yung Signal Village National High School and wala daw CCTV na gumagana sa school,” giit pa niya. “My cousin was an honor student and part of the GSP. She’s at Grade 8, Gold Section. She will not dare kill herself.”
Hinihintay pa ng pamilya ang resulta ng autopsy ng mga biktima.
Base sa ulat ng Taguig City Police, nakita ang bangkay ng dalawang dalagita 11:00 ng gabi ng Nobyembre 10 sa loob ng Girls Scout Mini Office sa ikatlong palapag ng Magsaysay Building ng SVNHS.
Isang testigo na kinilalang si Danielle, 16, estudyante, ang nagsabi sa Taguig Police na huling nakita ang dalawang biktima 7:45 ng gabi ng Nobyembre 10 nang sabihin sa kaniya na umuwi na sila.
Samantala, nabatid sa kanilang Messenger group chat na hindi umuwi ang dalawang estudyante, kaya’t agad hinanap ni Danielle ang mga biktima at doon nakitang nakasabit ang kanilang mga katawan gamit ang tali sa leeg at nakakabit sa steel grill sa opisina.
Ipinaalam ni Danielle ang nangyari sa mga security guard na silang nagsumbong sa Taguig Police.
Samantala, base sa initial evidence ng pulisya, walang nakitang “foul play” sa nangyari sa dalawang estudyante.
“The initial evidence gathered by the Philippine National Police-Taguig and the Scene of Crime Operation (SOCO) do not indicate foul play in the deaths of two female high school students whose lifeless bodies were discovered almost midnight of Friday, Nov 10, at Signal Village National High School,” pahayag ng Taguig Police nitong Sabado, Nobyembre 11.
“PNP-Taguig urges the public to refrain from making speculations that could worsen the situation experienced by the grieving families,” dagdag nito.
Magpapatuloy parin ang pulisya sa pag-iimbestiga sa nangyari sa dalawang estudyante.
“PNP-Taguig assures everyone, especially the bereaved families, that the investigation will continue and it will be conducted thoroughly and expeditiously. PNP-Taguig thanks the city government of Taguig for its full support to the bereaved families and cooperation with the ongoing investigation,” saad ng Taguig Police.
Inatasan narin ni Mayor Lani Cayetano ang mga awtoridad na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa nangyari sa mga estudyante.