Advertisers
ISANG magnitude 7.2 na lindol ang tumama sa Sarangani sa Davao Occidental nitong Biyernes, Nobyembre 17.
Naganap ang tectonic quake sa may 30 kilometro timog-kanluran ng nasabing lugar 4:14 ng hapon.
Sinabi naman ni Supt. Romeo Galgo, Spokesman ng Central Mindanao Police, napaulat na napinsala ang mga gusali at mga pribadong istraktura sa Sarangani na nagtamo ng mga bitak bunga ng malakas na lindol. Kabilang dito ang gusali ng Public Ports Authority sa Glan, Sarangani kung saan bukod sa bitak lumubog pa ito ng tinatayang 3-6 inches mula sa original nitong puwesto, Glan Community Medicare Hospital, Municipal Police Station ng Glan, pamilihang bayan; Pepsi Marketing sa Legaspi compound sa Brgy. Calabanit, Glan kung saan gumuho ang stock pile ng softdrinks at napinsala rin ang kanilang mga delivery van at iba pa.
Isang lumang gusali na itinayo noon pang 1970’s ang gumuho.
Sa General Santos City, napinsala ang isang lumang gusali sa kahabaan ng Santiago Boulevard ng lungsod habang nagtamo rin ng bahagyang pinsala ang City Hall ng lungsod partikular na ang entrance at exit dito.
Tatlo ang iniulat na nasugatan sa bayan ng Glan, at napinsala rin ang pantalan nito.
Kinilala ni Dr. Agripino Dacera Jr., Chief ng General Santos City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang mga nasugatan na sina Edilberto Corporal, 53 anyos; Beverly Dala, 16 at Leopoldo Ramolo, 56 ; mga residente ng bayan ng Glan na isinugod na sa Glan Medicare Community Hospital para malapatan ng lunas.
Naramdaman ang lindol sa Intensity VIII sa Glan, Sarangani; General Santos City, South Cotabato; Intensity V sa Matanao, Davao del Sur; Maasim, Malapatan, Sarangani; Lake Sebu, Tampakan, Polomolok, Banga, South Cotabato; Intensity IV sa Kidapawan City, Cotabato; Magsaysay, Davao City, Davao del Sur; Don Marcelino, Jose Abad Santos, Davao occidental; Kiamba, Maitum, Sarangani; Norala, Tantangan, South Cotabato; President Quirino, Lebak, Isulan, Esperanza, Columbio, Kalamansig at Sultan Kudarat.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, inaasahan ang pinsala at aftershock matapos ng lindol.
Subalit wala anilang banta ng tsunami sa bansa kasunod ng malakas na lindol.