Advertisers
UMABOT na sa 11 katao ang nasawi sa magnitude 6.8 na lindol na tumama sa Sarangani, Davao Occidental noong Biyernes.
Ayon kay Office of Civil Defense spokesperson Director Edgar Posadas, isa sa naiulat na nasawi ay mula Jose Abad Santos, Davao Occidental, 4 sa Soccsksargen, 3 sa General Santos City, 2 sa Glan, Sarangani; at isa sa Malapatan, Sarangani.
Kinilala naman ang mga nasawi na sina Danny Ginung, 26 anyos; at Jane Ginung, 18, kapwa empleyado ng Amadeo Pathwoods at residente ng Barangay Sinawal, General Santos City.
Sa inisyal na imbestigasyon, nadaganan ng gumuhong pader ang dalawa.
Tinangka pa ng dalawa na magtago sa mas ligtas na lugar subalit nasawi rin.
Pero nilinaw ng OCD na bina-validate pa ito.
Samantala, dalawa naman mula sa General Santos ang nasugatan habang dalawa ang nawawala mula sa Glan.
Umabot na sa 500 o kabuuang 450 katao ang binigyan ng tulong medikal nang masaktan matapos mag-panic sa malakas na lindol.
Ipinag-utos na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang tulong sa mga apektadong residente.
Dahil sa lakas ng pagyanig, ilang imprastraktura at gusali ang nasira.
Nawalan naman ng kuryente sa General Santos City at Lebak, Sultan Kudarat.
Mananatili pang sarado ang mga mall na labis na napinsala ng lindol.
Hindi naman naapektuhan ng lindol ang Davao International Airport, Cotabato Airport at Mati Airport.