Advertisers

Advertisers

CIDG: Buhok, dugo sa SUV tugma sa DNA profile ng ina ng missing beauty queen

0 3

Advertisers

KUMPIRMADONG isinakay sa inabandonang pulang SUV ang nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon nang mag-match sa DNA profile ng kaniyang mga magulang ang dugo at buhok na nakita sa naturang sasakyan.

“Hair strands at blood na nakita dun sa sasakyan ay nag-match dun sa DNA profile na binigay ng magulang ni Ms. Catherine Camilon,” ayon kay PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director, Major General Romeo Caramat Jr.

Sinabi ni Caramat na nagsasabi ng totoo ang dalawang saksi tungkol sa nakita nilang babae na duguan na inilipat sa nasabing pulang SUV.



“’Yung mga witness natin ay ‘di nagsisinungaling. There is a corroborative evidence na talagang nakita nilang babae na binubuhat ng mga suspek natin ay certainly si Ms. Camilon,” ayon sa opisyal.

“Mas bumigat yung kaso na sinampa natin doon sa mga salarin dahil nagtutugma ‘yung mga sinabi ng mga witnesses natin,” dagdag niya.

Patuloy parin ang mga awtoridad sa paghahanap ng forensic evidence laban sa mga salarin.
“Our PNP forensic chemists are trying to examine para makapag-lift ng finger prints para i-match dun sa mga nasampahan natin mga suspek,” sabi pa ni Caramat.

Una rito, sinampahan ng PNP ng kidnapping at serious illegal detention sina Police Major Allan de Castro, driver/bodyguard niyang si Jeffrey Magpantay, at dalawang iba pa kaugnay sa pagkawala ni Camilon mula pa Oktubre 12.

Ilang linggo makaraang mawala si Camilon, nakita ang pulang SUV na inabandona sa Barangay Dumuclay, Batangas City. May mga blood swab at hibla ng buhok na nakita sa sasakyan. Upang malaman kung kay Camilon ang naturang dugo at buhok, kumuha ng sample ang mga awtoridad sa kaanak ni Camilon para ikumpara.



Ayon sa dalawang saksi, may nakita silang babaeng duguan na inilipat sa isang pulang sasakyan, na tugma ang paglalarawan sa inabandonang SUV.

Huling nakita si Camilon na naglalakad sa loob ng isang mall sa Bauan, Batangas, Oktubre 12.

Ayon sa CIDG, inamin na ni de Castro na karelasyon niya si Camilon.

Batay sa impormasyon na nakuha ng CIDG, si de Castro ang katatagpuin ni Camilon nang araw na mawala ito para makipaghiwalay na dahil may pamilya na ang pulis.

Bukod sa reklamong isinampa sa piskalya, nahaharap din sa kasong administratibo si de Castro na maaaring maging dahilan para masibak ito sa serbisyo.

Si de Castro ay nasa kustodya na ng PNP.