Advertisers
INIULAT ng Philippine Coast Guard (PCG) na limang mangingisda mula Quezon at Oriental Mindoro province ang nawawala.
Nagsagawa na ng search and rescue operation ang PCG-District Southern Tagalog (PCG-DST) para kina Reneboy Alva at Jovinal Gamitin, kapwa residente ng Baranga Caridad Ilaya sa Atimonan.
Sakay ang dalawa ng bangka at nawawala simula pa Biyernes, Nob.24, ng gabi habang mangingisda sa bisinidad ng Isla ng Jomalig sakop ng Pacific Ocean.
Iniulat din ng PCG-DST na ang mangingisdang si Sanny Frias ay nawawala din mula Sabado, Nob.25, habang nangingisda sa bahagi ng coastal town ng Pinamalayan, Oriental Mindoro.
Gayunman, ang fishing boat ni Frias ay nakita ng mga kapwa mangingisda 8:00 ng gabi, may 6 hanggang 7 nautical miles mula sa baybayin ng Barangay Lumambayan.
Sa bayan ng Gloria, Oriental Mindoro, pinaghahanap din ang mangingisda na si Joseph Halos nang hindi na ito nakauwi ng kanilang bahay mula Biyernes nang maglayag upang mangisda sa baybayin ng Barangay Tambong.
Noong Nob.18, ang mangingisdang si Ritzie Yap ay hindi rin nakabalik ng kanilang tauhan nang pumalaot at mangisda sa bahagi ng Roxas.
Sinuspinde na ng PCG ang search operations sa mga nawawalang mangingisda dahil sa masamang lagay ng panahon.
Gayunman, nagsasagawa ang PCG personnel ng coastal at shore patrols sa northern Quezon at Oriental Mindoro para mahanap ang limang mangingisda .(Jocelyn Domenden)