Advertisers
Arestado ang isang ama nang isilbi ang warrant of arrest sa pauli-ulit na panggagahasa sa menor-de-edad na anak sa bayan ng Baggao, Cagayan.
Ayon kay Police Captain Jackelyn Urian ng PNP-Baggao, unang nangyari ang panggagahasa noong buwan ng Abril ng taong 2020 na ginawa sa loob mismo ng kanilang tahanan.
Aniya, pwersahang pinasok ng ama ang anak sa loob ng kanyang kwarto at ginawa ang panggagahasa.
Sinabi ni Capt. Urian na wala ang nanay ng biktima nang mangyari ang panggagahasa dahil pansamantala itong nanuluyan sa kanilang boarding house dahil malapit itong manganak.
Hindi rin nagawang humingi ng tulong ang biktima dahil magkakalayo umano ang bahay sa kanilang lugar at pinagbantaan pa ng ama na papatayin siya.
Paulit-ulit pa umanong ginawa ang panggagahasa sa biktima lalo na tuwing umaalis ang nanay.
Nitong buwan ng Mayo ngayong taon, nagsabi na ang biktima sa kanyang mga kaklase sa ginagawa ng ama sa kanya at inilapit nila ito sa kanilang adviser na siyang tumulong sa kanya na dumulog sa kapulisan.
Sinabi ni Capt. Urian na desidido naman ang nanay ng biktima na kasuhan ang asawa kung kaya’t nitong Nobyembre 28, 2023, inilabas ng korte ang warrant of arrest laban sa akusado.
Boluntaryo namang sumama ang akusado sa kapulisan nang isilbi ang warrant of arrest at inamin ang kasalanang ginawa.
Sa ngayon, nahaharap sa kasong four counts of rape ang akusado na ngayon nasa kustodiya na ng kapulisan.