Advertisers
Patay ang lider ng Bayawak Gang at Gun for Hire group nang makipagpalitan ng putok sa awtoridad nang tinangkang sitahin sakay ng motorsiklo na walang plaka sa Bacoor City, Cavite, Sabado ng madaling araw.
Kinilala ang nasawi na si Gilbert Albios y Puerto alyas Boss ‘Bay’ ng Las Piñas City.
Sa ulat ni Police Staff Master Sergeant Roberto Lacasa, ng Bacoor City Police, ala-1:30 kahapon ng madaling araw nang magsagawa ng Casing Surveillance ang mga operatiba ng DSOU QCPD, Cavite S2 at Bacoor City Police Follow up Team laban sa lider ng nasabing gang.
Tiyempo namang namataan ang suspek sakay ng isang motorsiklo na Honda Click na walang plaka sa harapan ng Nazareth Compound, Brgy. Molino 3, Bacoor City Cavite at tinangkang parahin.
Imbes na tumigil ay pinaharurot ang kanyang motorsiklo saka tumigil at pinaulanan ng bala ang mga humabol na operatiba.
Gumanti naman ng putok ang mga awtoridad at nang matigil ang putukan ay tumambad ang nakahandusay na suspek.
Si Albios ang lider ng Bayawak at Gun-for-Hire group na sangkot sa serye ng holdapan at nakawan kung saan target ang mga convenience stores at mga spa sa National Capital Region at Region 4A Calabarzon.
Narekober sa suspek ang isang kalibre 45 na baril, magazine na may 8 bala, extra magazine na may 6 bala at itim na motorsiklong Honda Click. (Irine Gascon)