Curriculum ng mga mag-aaral pinapa-adjust ni Sen. Pimentel dahil sa bagsak na score ng Pinas sa reading, mathematics, at science
Advertisers
NAPAPANAHON na para i-adjust ang curriculum ng mga mag-aaral sa Pilipinas matapos na makakuha ng mababang score sa Reading, Mathematics at Science.
Sinabi ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na lubhang nakababahala ang nasabing resulta kaya kailangang magpatupad ng adjustment sa curriculum upang mas malinang ang interes ng mga Pilipinong estudyante sa mga nabanggit na asignatura.
Batay sa latest data ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), sa 81 bansang sinuri ay hindi nagbago ang posisyon ng Pilipinas kung saan pang anim ang bansa sa pinakamababa sa reading at mathematics, habang pumapangatlo naman sa bagsak sa science.
Bunsod nito, pinamamadali rin ng senador ang pagpapatupad ng adjustment sa curriculum para matulungan ang mga mag-aaral na ma-develop pa ang kanilang interes sa Mathematics at Science gayundin ay maitanim ang siyentipikong pamamaraan na pag-iisip sa mga estudyante.
Kailangan mabago na aniya ang curriculum para makasunod ito sa demands ng makabagong panahon at matugunan ang ugat ng kawalan ng performance ng bansa.
Dagdag pa ni Pimentel na dapat maisip ng Department of Education (Deped) ang epekto nito sa mga susunod na henerasyon kung hindi agad masosolusyunan at posibleng makaapekto ito sa employability ng mga Pilipino. (Mylene Alfonso)