Advertisers
NANAWAGAN si Kabataan party-list Representative Raoul Manuel para sa isang independent investigation sa umano’y pagkakasangkot ni dating Presidente Rodrigo “Digong” Duterte sa illegal drug trade.
Ginawa ni Manuel ang panawagan matapos isiwalat kamakailan ng umaming dating Davao Death Squad (DDS) assassin na si Arturo Lascañas, retiradong pulis mula ng Davao City, na si Duterte ang “lord of all drug lords in the southern Philippines”.
“Kung totoo man ang sinasabi ni Lascañas, pinapakita nito na peke ang gera kontra droga ng rehimeng Duterte. Kaya naman pala puro maliitang pusher lang ang tinatarget noon kasi ang mismong drug lord nasa pwesto,” diin ni Manuel.
“Kung ganito nga, lalabas na nilunsad lang ang gera na ito para patumbahin ang mga karibal at tiyakin ang monopolyo sa iligal na droga sa bansa sa bisa ng kapangyarihan ng Malacañang. Sana mabigyang linaw din ito ng ICC (International Criminal Court) investigation kaya dapat maituloy ito. Ngunit marapat na magsagawa tayo ng sariling imbestigasyon muli sa usaping ito,” giit pa ng batang mambabatas.
Hinikayat din ni Manuel ang mga dating miyembro ng notorious DDS na lumabas na at isiwalat ang kanilang mga nalalaman tulad ng ginawa ni Lascañas at ni Edgar Matobato na kapwa nag-testify sa Senate inquiry noon.
“Kung mayroong imbestigasyon na dapat matuloy at mabilis na umusad, ito ang imbestigasyon sa lahat ng mga nagpasimuno ng madugong giyera kontra droga: Rodrigo Duterte, Bato dela Rosa, at iba pa.
Maghanda na ang mga sangkot dahil ang mga ebidensya laban sa kanila ay sobrang bigat na: hindi gawa-gawa, hindi pinwersa, kundi sapat na batayan para seryosohin ang pagtiyak ng pagpapanagot sa mga maysala,” diin ni Manuel.