Advertisers
NASAWI ang driver ng isang sport utility vehicle (SUV) at sugatan ang dalawang pasahero nito nang masunog ang sasakyan nang bumangga sa isang truck sa southbound lane ng North Luzon Expressway (NLEX) Skyway sa Malabon City.
Ayon kay Malabon Police chief Colonel Jay Baybayan, kaagad nasawi si Michael Sanchez habang sugatan ang mga pasaherong niyang sina Kristiana Yanhi Noga at Carlo James Reyes na bahagyang nasugatan at ginamot ng rumespondeng mga tauhan ng Malabon Rescue Team.
Ani Traffic investigator SSg Baltazar Gallangi, minamaneho ng biktima ang isang Audi Q8 SUV sa southbound lane ng Skyway 11:45 ng gabi nang bumangga sa likurang bahagi ng Isuzu truck (NAI-8664) na minamaneho ni Richard Tormes.
Sa lakas ng impact, bumaligtad ang sasakyan ng biktima at nasunog, nagresulta sa agarang pagkamatay ni Sanchez.
“Tinangka pang iligtas ng dalawang pasahero ang driver bago lumiyab ang sasakyan pero wala na raw malay ang biktima nang magsimulang lumiyab ang sasakyan. Nagmagandang loob lang pala yung driver na ihatid sa Espana ang dalawa matapos nilang manood ng laban ng UP at De La Salle sa Araneta Coliseum,” sabi ni Sgt. Gallangi sa isang panayam.
Kasalukuyang nasa tanggapan ng Malabon Police Traffic Enforcement Unit ang driver ng truck na hindi naman nasaktan para sa imbestigasyon.