Advertisers

Advertisers

Tumangay ng higit P2.4m sa vape shop huli sa GPS tracker

0 82

Advertisers

NAARESTO ng pulisya ng Valenzuela ang tatlo sa anim na holdaper ilang oras matapos manloob sa isang vape shop sa Del Rosario St., Barangay Marulas, Valenzuela City nitong Martes, Disyembre 5.

Kinilala ang mga naaresto na sina Hermoso, 37 anyos, ng Cupang, Antipolo City, Rizal; Gascon, 38, ng 18th Avenue, East Rembo, Makati City; at Fresto, 32, ng Villa Silva Palatiw, Pasig City; habang ang mga biktima ay sina Prince, 26, may-ari ng shop; at nobya nitong si Czarhena, 25.



Nabatid na 1:50 ng madaling araw nang pumasok ang isa sa mga holdaper sa loob ng shop at nagpanggap na kostumer. Nagulat na lamang ang dalawang biktima nang tutukan sila ng baril at sumunod na nagpasukan ang ibang holdaper.

Ayon kay Prince, nakuha ng mga holdaper ang kanyang bag na may lamang P100,000 cash, at bag ni Czarhena na may lamang P30,000 cash.

Kinuha rin ang 8,000 piraso ng mga disposable vape na nagkakahalaga ng P2 milyon, Apple iPhone 12 na nagkakahalaga ng P35,000, Samsung S21 na nagkakahalaga ng P25,000, Seiko Panda watch na may halagang P250,000.

Nang masimot ang mga gamit at pera ay sumakay sa isang puting Toyota Fortuner ang mga holdaper at tumungo sa Tamaraw Hills papuntang McArthur Highway sa Barangay Marulas.

Sa pagbeberipika ng mga pulis sa Land Transportation Office (LTO), napag-alaman na ang sasakyang ginamit ng grupo ay pag-aari ng isang nagngangalang Vincent, residente sa Novaliches, Quezon City, at ang sasakyan ay inupahan lamang ni Hermoso at isang nagngangalang Llamas noong Lunes, Disyembre 4.



Ayon kay Vincent, nakatakda sanang isauli ang kanyang sasakyan nitong Disyembre 5.

Sa pamamagitan ng Global Positioning System (GPS) tracker ng nirentahang sasakyan ng mga holdaper, 3:30 ng hapon ay natagpuan ito ng pulisya kasama si Prince sa Harvard St., Cubao, Quezon City na minamaneho ni Hermoso kasama si Gascon na positibong kinilala ng mga biktima, at sila ay inaresto.

Nahuli rin ng pulisya si Fresto matapos inguso ng dalawang kasamahan at nabawi sa kanya ang mga produkto ng vape na nagkakahalaga ng P304,800.

Si Hermoso ay isa rin sa tatlong nahuli na nanloob sa isa pang vape shop sa Sta. Ana Manila, apat na buwan na ang nakalilipas.

Tinangay naman dito ng mga holdaper ang mga produkto ng vape na nagkakahalaga ng P1.8 million.

Kasalukuyang pinaghahanap ang iba pang suspek, habang nahaharap sa kasong robbery with violence and intimidation ang mga naaresto. (Beth Samson)