Advertisers
TUTULAK patungong Japan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Biyernes, Disyembre 15.
Ito’y para dumalo sa ASEAN-Japan Commemorative Summit na may kaugnayan sa pagdiriwang ng ika-50 taong anibersaryo ng ASEAN-Japan Friendship and Cooperation.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Department of Foreign Affairs Asec. Daniel Espiritu, ang unang aktibidad na sasabakan ni PBBM ay ang kanilang bilateral meeting ni Japanese Prime Minister Fumio Kishida.
Inaasahan na sa araw naman ng Sabado ay muling magkikita ang dalawang lider habang may mga bilateral business meetings ding dadaluhan ang pangulo.
Pakay naman ni Pangulong Marcos na i-follow up ang mga nilagdaang business agreements nang pumunta ito sa Japan noong Pebrero.
Maliban dito, lalahok din ang presidente sa Asia Zero Emission Community o AZEC Summit kung saan inaasahang hihimukin niya ang iba pang mga bansa na suportahan ang ‘loss and damage fund’ na tiyak na pakikinabangan ng mga pinaka-apektado ng climate change.
Samantala, inaasahang makakasama ni Pangulong Marcos sa kanyang biyahe sa Japan sina First Lady Liza Araneta-Marcos, House Speaker Martin Romualdez, Presidential Communications Office Sec. Cheloy Garafil, Department of Trade and Industry Sec. Alfredo Pascual at DFA Sec. Enrique Manalo. (Gilbert Perdez)